Monday, May 23, 2005

ALING BAYAN?:SINO ANG ANG NAGHIHINTAY SA IYONG HANDOG NA TALINO AT TALENTO?

Pananalita sa Pagtatapos ng Klase 2004 ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, U.P. 24 Abril 2004

Abril 1954 nang magtapos ako sa Unibersidad ng Santo Tomas. Limampung taon na ang nakararaan, at bilang graduate na pinaglaruan na ng panahon, gusto ko sanang angkinin ang karapatang magsalita bilang ako sa okasyong ito. "Talino at Talento: Handog sa Bayan" ang tema ng ating seremonya ngayong hapon. Gusto kong baguhin ang anggulo ng tema. Gusto kong gawing tanong ang anyo ng pamagat: "Aling Bayan? : Sino ang Naghihintay sa Iyong Handog?" Hangad ko sanang itampok ang Bayan at ang tinig nitong ipinaaabot sa mga estudyanteng KAL na lilisanin na ang Kolehiyo ng Arte at Literatura sa araw na ito.

Sa inyong pagbabasa ng diyaryo, panonood ng TV at pakikinig sa radyo, bawat isa sa inyo ay minumulto na ng Bayang naghihintay sa inyong lahat. Ang Bayang iyan ay lipunang naghihikahos, halos walang tinig sa pamamahala ng ating buhay, at wari'y walang kulturang agad nagpapakilala sa atin bilang nagsasariling bansa. Ito ba ang Bayang paghahandugan mo ng talino at talento?

Nang magtapos kami ng mga kaklase ko noong 1954, inakala naming maaliwalas ang tanawing aming sasapitin. Sampung taon nang tapos ang digmaang naglugmok sa Bayan sa paghihikahos at ang mga guho ng digma ay napapalitan na ng mga buong gusali. At ang karahasan at kriminalidad na ibinunga sa kanayunan ng rebelyong Hukbalahap ay waring pinayapa na ng panunungkulan ni Ramon Magsaysay bilang Defense Secretary. Sa ibang panahon na namin matutuklasan na kami pala ay piniringan ng edukasyon at ng midya kaya't hindi namin namalayan na may ginagawa palang pagmamaniobra ang CIA sa pamamalakad ng gobyernong diumano ay nagsasarili na. Akalang itinanim sa aming kamalayan na sumusulong na ang Filipinas sa pagiging pangunahing bansa, kung hindi man sa buong Asia, ay sa Timog-Silangang Asia man lamang.

Mga anak kami ng panahon ng "special relations" ng Filipinas at Estados Unidos, at ang Fulbright Exchange Program ay tanggap ng mga edukadong Filipino bilang katibayan ng mga biyaya ng palitan ng kultura ng dalawang bayan. Sa pamamagitan ng Fulbright Program, libo-libong nakapagtapos ng kolehiyo ang nag-ambisyong makarating sa Estados Unidos at doon nagkamit ng titulong gradwado at ng tatak na "State-side."

Sa madaling sabi, walang agam-agam naming pinasok ang Bayang naghihintay sa paglilingkod ng mga bagong intelektuwal. Aywan kung mapalad nga ang aming graduating class dahil sa aming kawalang-muwang kung itatabi sa klase ninyong mulat ang mata sa mga katiwalian sa ating lipunan. Sa ano't anuman, nakabungad kayo sa Bayang kulang sa maraming bagay, lalong-lalo na sa katiwasayang dulot ng maunlad na ekonomiya at maayos na demokrasya. Ano kaya ang sinasabi sa inyo ng Bayang iyan? Ano ang kaanyuan ng hinihinging handog sa inyo?

Sa Bibliya, sa librong Henesis, may taong hiningan ng Diyos ng handog, at ngayon sa ating panahon, ang kanyang halimbawa ang mapagkukunan natin ng pahiwatig kung paano dapat harapin ang hamon ng lipunang inyong papasukin.

Ang taong iyon ay si Abraham na inatasan ng Diyos na ihandog bilang sakripisyo ang kaisa-isang anak na si Isaac. Walang sinasabi ang Banal na Kasulatan tungkol sa niloloob ni Abraham habang paakyat siya sa bundok ng pag-aalay kasama ang kanyang bunso. Ang tanging isinalaysay ay ang kanyang pagtalima sa di-mababaling atas ni Yahweh. Ano ang ipinamalas ng halimbawa ni Abraham? Una, pagkilala sa kahalagahan ng pagsasakripisyo; ikalawa, tibay ng loob na isakatuparan ang hinihinging sakripisyo; at ikatlo, ang walang pasubaling pag-alinsunod sa atas na isagawa ang sakripisyo. Tunay na kahindik-hindik ang halimbawa ni Abraham at hindi naman kailangang pantayan ng KAL graduate ang taas ng antas ng pagsasakripisyo ni Abraham.

Sa ating panahon at sa ating bansa mismo, may tatlong kabataan sa aklat na pinamatnugutan ni Asuncion David Maramba na nagpamalas ng kabayanihang pambihira ngunit kayang abutin ng karaniwang kabataan. Sa Six Young Filipino Martyrs (Anvil,1997), tinipon ni Maramba ang talambuhay ng anim na kabataang itinuring niyang martir ng paglilingkod sa bayan. Ang nais kong tukuyin ay isang doctor na buong giting na ginamit ang kanyang talino at talento upang mabigyang lunas ang mga dukhang kababayan sa kanayunan ng Samar. Ang isa naman ay babaeng naging organisador ng kababaihang sa panahong itayo niya ang organisasyong Makibaka ay walang sariling tinig gayong sinasabing katuwang sila ng kalalakihan sa pagsunong sa kalangitan. At ang ikatlo ay isang makata na kung saan-saang landas napaligaw sa paghahanap ng kanyang pagkatao hanggang marating niya ang kabundukan bilang mandirigma para sa mga kababayang magsasaka. Bawat isa sa kanila ay iminulat sa kalagayan ng Bayan nang sila ay abutan ng Unang Sigwa ng 1970 sa mga kolehiyong kanilang pinaag-aaralan. Dahil ang graduating class na ito ay sa UP nagtatapos, natitiyak kong alam ninyo na ang tinatawag na "sigwa" ay ang malawakang pagkilos ng mga kabataang nanawagan at kumilos para sa radikal na pagbabago ng lipunang Filipino noong 1970. Dinala ng Unang Sigwa ang mga kabataan sa mga kalye, plasa at baryo ng Kamaynilaan sa kanilang pagpapalaganap ng ideolohiya ng Pambansa Demokrasya.

Ang bakas ng Unang Sigwa ay naiwan kahit sa kamalayan ng mga kabataang Filipinong hindi naging bahagi ng pagkilos noong 1970, at nang sumunod na mga buwan na lamang napasanib sa makabayang kilusan. Ang bakas na iyan ay nalimbag sa imahinasyon ng panahon sa pamamagitan ng mga tula, kuwento, awitin at pagtatanghal na madamdaming naglarawan sa api at pinagsasamantalahan sa lipunan, at magiit na nag-udyok na lumahok ang mga mamamayan sa pagtatatag ng kaayusang may tunay na paglaya at demokrasya.

Kung may Yahweh na nag-atas sa mga bagong Abraham na mag-alay ng sinunog na handog sa ikaluluwalhati ng Bayan, iyan ay ang panawagan ng Unang Sigwa na paglingkuran ang sambayanan na binubuo ng mga manggagawa, magsasaka at ang iba pang pinakaaba sa lipunan.

Si Dr. Remberto de la Paz, taga-Maynila, ay piniling sa kanayunan magdoktor dahil doon niya nakita ang pangangailangan para sa isang manggagamot na handang manggamot nang hindi naniningil. Ang pagpili niya sa Catbalogan, Samar, ay kanyang sariling pagsalungat sa pangingibang-bayan ng maraming kabataang doctor na kapanahon niya. Isang awit ang inialay sa kanya ng makata at mang-aawit na si Jess Santiago. Sa awit, isinanib ni Santiago ang boses ni Bobby de la Paz sa kanyang tinig: "Bakit ka aalis, bakit ka lilisan/Di mo ba naririnig ang daing ng bayan? /Kay dami ng maysakit na di nalulunasan, / Bakit ipagkakait ang iyong kaalaman?" Narito sa mga salita ng makata-mang-aawit ang sumbat ni Bobby sa mga kapwa doctor na natitiis magsawalang-kibo sa harap ng laganap na kahirapan ng mga Filipino sa kanayunan.

Para kay Lorena Barros ang handog na hinihingi ng Bayan ay ang paglaya, at dito ay kanyang pinagtuunan ng pagsisikap ang pag-oorganisa ng kababaihan sa lilim ng Makibaka na siya ang tagapangulong tagapagtatag. Sa kabila ng mga pasubali ng mga kasama sa kilusan, iginiit niya na may naiibang pangangailangan ang mga babae na hindi kayang pangalagaan ng organisasyong kinabibilangan magkasamang babae at lalaki.. Ang panahon at pisikal na lakas ay ginugol ni Lorena sa pag-oorganisa bagamat ang tunay niyang mithiin ay humabi ng mga tula. Iilan lamang ang naisulat niyang tula sapagkat inuna niyang tugonin ang pangangailangan ng sektor na kanyang pinaglilingkuran. Nang siya ay mapatay ng mga sundalo ni Diktador Marcos, isa na siyang pulang mandirigma na itinalaga ang buhay sa pagpapalaya ng sambayanan. Sa mga taludtod ng kanyang tulang papuri sa kabayanihan ng mga kasamang maagang nalagas sa pakikibaka, wari'y tinutulaan niya ang kanyang sariling sakripisyo bilang buko ng bulaklak na hindi nabigyan ng pagkakataong makabukad. Anya: "How like this pure white bud/are our martyrs, fiercely fragrant with love/ for our country and people!/ with what radiance they should still have unfolded."

Isa pang makata ang tumugon sa mala-dios na atas ng pangangailangan ng Bayan, makatang sa simula'y naakit ng kulturang "Amboy"nang siya ay manirahan at mag-aral sa E.U. bilang iskolar ng gobyernong Amerikano. Tinagurian siyang "Rimbaud" ng Filipinas dahil sa kanyang masidhing pagsisikap na lasapin ang sarap ng pagiging "hippie" sa mga taon ng paglaganap ng mga kaisipan ng Unang Sigwa. Sinubok niya ang mga drogang panggalugad ng imahinasyon, naging isang ispiritwal na lagalag sa paghahanap ng kanyang identidad bilang indibidwal. Sa mga huling taon ng maikli niyang buhay natuklasan niya ang landas ng paglilingkod sa mga kababayang isinadlak ng makapangyarihan sa laylayan ng lipunan sa kanayunan. Ang mahabang pagkaligaw ni Emannuel Lacaba ay nagdala sa kanya sa gubat at kabundukan. At doon niya nakamtan ang kanyang hinanap kung saan-saan.

Ayon sa kanya,

The road less travelled by we've taken—
And that has made all the difference:
The barefoot army of the wilderness
We all should be in time,
Awakened, the masses are Messiah
Here among workers and peasants our lost
Generation has found its true,
its only home."

Sa halimbawa ng tatlong martir ni Maramba, sinasagot ang tanong sa bukana ng aking pananalita. Aling bayan? Ang mga Filipinong pinagkaitan ng kasalukuyang kaayusan sa ekonomiya at politika, silang walang tinig at ayaw kilalanin ng mga lider na humahawak ng kapangyarihan sa lipunan. Tulad ni Yahweh hinihingi ng Bayang iyan ang inyong kahandaang maghandog ng talino at talento para sa mga abang pinabayaan. Hindi iisa ang tugong hinihingi sa inyo, maraming iba-ibang sakripisyo ang pwedeng ialay, at maraming landas patungo sa altar na paglalagakan ng handog. Marahil ang isang kahingiang dapat tugunin ng bawat isa ay ang kahingiang hubarin ang dating sarili upang pagbuksan ang personal na transpormasyon ng mag-aalay ng talino at talento. Ang paghuhubad na iyan ay itinulad ni Eman sa pagtatapas ng magsasaka sa niyog:


Like husks of coconuts he tears away
The billion layers of his selfishness.
Or learns to cage his longing like the bird
Of legend, fire, and song within his chest.

May binabaklas at may isinusuko. Sa ganyan nagiging karapatdapat ang handog. Maraming Salamat at Mabuhay kayo!

BAKIT “FILIPINONG HUMANIDADES”?

Ang Dahilan ng Pagkatatag ng PROGRAMA LUMBERA
Pananalita sa Paglulunsad ng PROGRAMA LUMBERA
Ni Propesor Bienvenido Lumbrera
11 Abril 2005, Faculty Center

Kayong tinipon dito upang saksihan ang paglulunsad ng programang ipinangalan sa akin ng aking kaibigang Ed Fajardo ay di maiiwasang magtanong: Bakit “Filipinong humanidades”?

Ang humanidades na kilala na ng bawat Filipinong nagdaan sa mga batayang kurso sa pagka-batsilyer sa alinmang unibersidad sa bansa ay walang “nationality.” Isa raw kurso ito na nag-uugnay sa indibidwal na estudyante sa sangkatauhan. Di-umano iisa ang pangangailangan ng utak at kaluluwa ng tao saanmang panahon siya isinilang, saan mang bayan siya naging tao, alinman ang lahing kanyang kinabibilangan. Sa panahong ito, wala na halos tumatanggap nang walang pasubali sa katotohanan ng mga akalang binanggit. Ang panahon, ang lugar at ang lahi ay napatunayan nang may bisa sa operasyon ng utak at ng kaluluwa. At sa panahon ng globalisasyon ng kultura, mahalagang isaisip ng mga mamamayan ng bansang tulad ng Filipinas -- munting bansang sakmal ng kultura ng malalaking bansa – mayroon silang sariling kultura at iyon ay dapat nilang pagyamanin. Kung hindi nila tutungkulin ang pagsasanggalang sa kulturang nagbibigay sa kanila ng identidad, walang pakundangang pagyurak sa kanilang ekonomiya at politika ang dadanasin ng bansa sa kamay ng mga ahensiyang internasyonal ng imperyalismong Amerikano.

Dahil walang “nationality” ang humanidades na minana natin sa Europa sa pamamagitan ng Estados Unidos, naging kasangkapan ito kolonyalismong E.U. upang lubos-lubusang sakupin ang mga edukadong Filipino. Patuloy ang dominasyon ng mga kaisipang Kanluranin sa ating mga paaralan pagkat ang humahawak ng kapangyarihan sa larangan ng edukasyon ay mga intelektuwal na sa Amerika nagpakadalubhasa bilang edukador o, kung nanatili man sa Filipinas, ay hindi natutong mag-usisa at magsuri sa kinaugaliang oryentasyon ng edukasyon ng mga Filipino. Layon ng Programa Lumbera na makatulong sa pagbibigay ng makabayang oryentasyon at nilalaman sa “humanities” na itinuturo sa ating mga institusyong tersiyaryo.

Sa kasaysayan ng ating sining at kultura, hindi na bago ang humanidades na may tatak na Filipino, dangan at hindi nakasanayan ng ating mga iskolar na gamitin ang terminong “Filipinong humanidades.” Naglalatang pa ang Digmaang Filipino-Amerikano ay nasimulan nang lumikha ang mga artistang Filipino ng mga obrang naggiit sa identidad ng Filipino. Ang mga dramang binansagang “sedisyoso” sa mga unang taon ng Siglo 20 ay mga unang hudyat ng paglitaw ng mga likhang may nasyonalidad. Hindi lamang sa Luzon ipinamalas ang ganyang pagdiriin sa identidad, kundi pati sa mga pahayagan at teatro sa Ilokos, Cebu, Iloilo at Negros. Naging masigla ang peryodismo sa katutubong mga wika at ang paglalabas ng mga librong ang awtor ay Filipino. Ang pangunahing diaryong makabayan noon sa Kamaynilaan ay ang peryodikong Espanyol na tinaguriang El Renacimiento, na may seksiyong Tagalog na pinamagatang Muling Pagsilang. Dito nagsulat ang mga batikang awtor na ilustrado tulad nina Lope K. Santos, Carlos Ronquillo at Julian Cruz Balmaseda. Sa larangan ng musika, ang mga komposisyon nina Nicanor Abelardo, Juan Hernandez, Francisco Santiago at Jose Estella ay pagpapakilala sa malikhaing kaluluwa ng mga artistang Filipino. Ang mga likhang pinta ni Fernando Amorsolo at ang iskultura ni Guillermo Tolentino ay may gayunding layunin. Idagdag pang pananaliksik sa mga katutubong sayaw ni Francisca Reyes Aquino.

Kung sa panahon ng Renasimyento sa Kanluran ay binalikan ng mga intelektwal ang mga klasikong akda ng Gresya at Roma, sa panahon ng Muling Pagsilang sa Filipinas, ang dapat nating balikan ay ang mga likhang-sining na sadyang nilayon na maging katutubo sa panahon ng kolonyal na pananakop ng Estados Unidos. Kailangang maitanghal ang mga likhang iyan bilang katunayan na kahit pa dominado sila ng mga kolonyalista ay may mga artistang naggiit sa kanilang identidad bilang Filipino. Ang mga katibayang iyan ang gustong maitanghal ng Programa Lumbera.

Tulad ng mga manunulat ng Renasimyento sa Europa na umugnay sa kanilang publiko sa pamamagitan ng wikang palasak (bernakular), ang mga manlilikhang Filipino ay naging masigasig sa paggamit ng wikang katutubo upang maabot nila ang nakararami nilang kababayan. Unang dekada pa lamang ng Siglo 20 ay nabuo na ang Aklatang Bayan, na sa pagdaraan ng mga taon ay sinundan ng Ilaw at Panitik, at pagkaraan ng Panitikan. At nang ipasya ng Konstitusyong 1935 na magbuo ng Wikang Pambansa, naging masigasig ang pagpapalaganap ng isang wikang bibigkis sa sambayanan.

Subalit nauna nang ginawang wikang panturo, sa kapasyahan ng Amerikanong administrasyong kolonyal, ang wikang Ingles. Malubha ang naging epekto ng ganitong patakaran sa lipunang Filipino dahil hinati nito ang sambayanan. Ang mga Filipinong nakapag-kolehiyo ay natutong sa Ingles mag-isip at magpanukala ng mga direksiyon sa pagpapaunlad ng kabuhayang Filipino ayon sa pananaw ng kolonyalista. Iilan lamang sila kung ikukumpara sa karamihan, pero sila ang naging taga-ugit ng mga patakarang pang-edukasyon. Samantalang ang nakararami ay hindi nagkapuwang sa pagpapasya ng direksiyong tatahakin ng edukasyon at nanatili silang nasa laylayan ng kulturang pinalaganap ng mga paaralan. Noong mga huling taon ng Dekada 60, nang dumaluyong ang nasyonalismong dinala ng Kilusang Pambansang Demokrasya, lumitaw na mapagpasya ang papel ng Wikang Pambansa sa pagbigkis sa lakas ng sambayanan. Subalit hindi pa rin natinag ang Ingles bilang wika ng pamahalaan at ng paaralan. Gayumpaman, kahit nanatili ang gahum ng Ingles sa lipunan, mabilis na umunlad ang Wikang Filipino sa bisa ng paggamit dito sa pagpapalaganap at pagpapalakas ng organisadong puwersa para sa pagbabagong panlipunan.

Panunahing layunin ng Programa Lumbera, na pagtagpuin ang mga edukadong Filipino at ang nakararami sa lipunan sa pamamagitan ng panitikan at iba pang mga sining, nang sa gayo’y mabuong muli ang sambayanan sa pagsulong tungo sa malayang hinaharap ng Filipinas. Kamunti lamang ang Programa Lumbera, ngunit kung susuportahan ninyo ito, ay mangyayaring matupad din ang isang dakilang pangarap. Maraming salamat po.