Monday, May 23, 2005

BAKIT “FILIPINONG HUMANIDADES”?

Ang Dahilan ng Pagkatatag ng PROGRAMA LUMBERA
Pananalita sa Paglulunsad ng PROGRAMA LUMBERA
Ni Propesor Bienvenido Lumbrera
11 Abril 2005, Faculty Center

Kayong tinipon dito upang saksihan ang paglulunsad ng programang ipinangalan sa akin ng aking kaibigang Ed Fajardo ay di maiiwasang magtanong: Bakit “Filipinong humanidades”?

Ang humanidades na kilala na ng bawat Filipinong nagdaan sa mga batayang kurso sa pagka-batsilyer sa alinmang unibersidad sa bansa ay walang “nationality.” Isa raw kurso ito na nag-uugnay sa indibidwal na estudyante sa sangkatauhan. Di-umano iisa ang pangangailangan ng utak at kaluluwa ng tao saanmang panahon siya isinilang, saan mang bayan siya naging tao, alinman ang lahing kanyang kinabibilangan. Sa panahong ito, wala na halos tumatanggap nang walang pasubali sa katotohanan ng mga akalang binanggit. Ang panahon, ang lugar at ang lahi ay napatunayan nang may bisa sa operasyon ng utak at ng kaluluwa. At sa panahon ng globalisasyon ng kultura, mahalagang isaisip ng mga mamamayan ng bansang tulad ng Filipinas -- munting bansang sakmal ng kultura ng malalaking bansa – mayroon silang sariling kultura at iyon ay dapat nilang pagyamanin. Kung hindi nila tutungkulin ang pagsasanggalang sa kulturang nagbibigay sa kanila ng identidad, walang pakundangang pagyurak sa kanilang ekonomiya at politika ang dadanasin ng bansa sa kamay ng mga ahensiyang internasyonal ng imperyalismong Amerikano.

Dahil walang “nationality” ang humanidades na minana natin sa Europa sa pamamagitan ng Estados Unidos, naging kasangkapan ito kolonyalismong E.U. upang lubos-lubusang sakupin ang mga edukadong Filipino. Patuloy ang dominasyon ng mga kaisipang Kanluranin sa ating mga paaralan pagkat ang humahawak ng kapangyarihan sa larangan ng edukasyon ay mga intelektuwal na sa Amerika nagpakadalubhasa bilang edukador o, kung nanatili man sa Filipinas, ay hindi natutong mag-usisa at magsuri sa kinaugaliang oryentasyon ng edukasyon ng mga Filipino. Layon ng Programa Lumbera na makatulong sa pagbibigay ng makabayang oryentasyon at nilalaman sa “humanities” na itinuturo sa ating mga institusyong tersiyaryo.

Sa kasaysayan ng ating sining at kultura, hindi na bago ang humanidades na may tatak na Filipino, dangan at hindi nakasanayan ng ating mga iskolar na gamitin ang terminong “Filipinong humanidades.” Naglalatang pa ang Digmaang Filipino-Amerikano ay nasimulan nang lumikha ang mga artistang Filipino ng mga obrang naggiit sa identidad ng Filipino. Ang mga dramang binansagang “sedisyoso” sa mga unang taon ng Siglo 20 ay mga unang hudyat ng paglitaw ng mga likhang may nasyonalidad. Hindi lamang sa Luzon ipinamalas ang ganyang pagdiriin sa identidad, kundi pati sa mga pahayagan at teatro sa Ilokos, Cebu, Iloilo at Negros. Naging masigla ang peryodismo sa katutubong mga wika at ang paglalabas ng mga librong ang awtor ay Filipino. Ang pangunahing diaryong makabayan noon sa Kamaynilaan ay ang peryodikong Espanyol na tinaguriang El Renacimiento, na may seksiyong Tagalog na pinamagatang Muling Pagsilang. Dito nagsulat ang mga batikang awtor na ilustrado tulad nina Lope K. Santos, Carlos Ronquillo at Julian Cruz Balmaseda. Sa larangan ng musika, ang mga komposisyon nina Nicanor Abelardo, Juan Hernandez, Francisco Santiago at Jose Estella ay pagpapakilala sa malikhaing kaluluwa ng mga artistang Filipino. Ang mga likhang pinta ni Fernando Amorsolo at ang iskultura ni Guillermo Tolentino ay may gayunding layunin. Idagdag pang pananaliksik sa mga katutubong sayaw ni Francisca Reyes Aquino.

Kung sa panahon ng Renasimyento sa Kanluran ay binalikan ng mga intelektwal ang mga klasikong akda ng Gresya at Roma, sa panahon ng Muling Pagsilang sa Filipinas, ang dapat nating balikan ay ang mga likhang-sining na sadyang nilayon na maging katutubo sa panahon ng kolonyal na pananakop ng Estados Unidos. Kailangang maitanghal ang mga likhang iyan bilang katunayan na kahit pa dominado sila ng mga kolonyalista ay may mga artistang naggiit sa kanilang identidad bilang Filipino. Ang mga katibayang iyan ang gustong maitanghal ng Programa Lumbera.

Tulad ng mga manunulat ng Renasimyento sa Europa na umugnay sa kanilang publiko sa pamamagitan ng wikang palasak (bernakular), ang mga manlilikhang Filipino ay naging masigasig sa paggamit ng wikang katutubo upang maabot nila ang nakararami nilang kababayan. Unang dekada pa lamang ng Siglo 20 ay nabuo na ang Aklatang Bayan, na sa pagdaraan ng mga taon ay sinundan ng Ilaw at Panitik, at pagkaraan ng Panitikan. At nang ipasya ng Konstitusyong 1935 na magbuo ng Wikang Pambansa, naging masigasig ang pagpapalaganap ng isang wikang bibigkis sa sambayanan.

Subalit nauna nang ginawang wikang panturo, sa kapasyahan ng Amerikanong administrasyong kolonyal, ang wikang Ingles. Malubha ang naging epekto ng ganitong patakaran sa lipunang Filipino dahil hinati nito ang sambayanan. Ang mga Filipinong nakapag-kolehiyo ay natutong sa Ingles mag-isip at magpanukala ng mga direksiyon sa pagpapaunlad ng kabuhayang Filipino ayon sa pananaw ng kolonyalista. Iilan lamang sila kung ikukumpara sa karamihan, pero sila ang naging taga-ugit ng mga patakarang pang-edukasyon. Samantalang ang nakararami ay hindi nagkapuwang sa pagpapasya ng direksiyong tatahakin ng edukasyon at nanatili silang nasa laylayan ng kulturang pinalaganap ng mga paaralan. Noong mga huling taon ng Dekada 60, nang dumaluyong ang nasyonalismong dinala ng Kilusang Pambansang Demokrasya, lumitaw na mapagpasya ang papel ng Wikang Pambansa sa pagbigkis sa lakas ng sambayanan. Subalit hindi pa rin natinag ang Ingles bilang wika ng pamahalaan at ng paaralan. Gayumpaman, kahit nanatili ang gahum ng Ingles sa lipunan, mabilis na umunlad ang Wikang Filipino sa bisa ng paggamit dito sa pagpapalaganap at pagpapalakas ng organisadong puwersa para sa pagbabagong panlipunan.

Panunahing layunin ng Programa Lumbera, na pagtagpuin ang mga edukadong Filipino at ang nakararami sa lipunan sa pamamagitan ng panitikan at iba pang mga sining, nang sa gayo’y mabuong muli ang sambayanan sa pagsulong tungo sa malayang hinaharap ng Filipinas. Kamunti lamang ang Programa Lumbera, ngunit kung susuportahan ninyo ito, ay mangyayaring matupad din ang isang dakilang pangarap. Maraming salamat po.

2 Comments:

At 3:40 AM, Blogger jeniva said...

shut up!!

 
At 3:41 AM, Blogger jeniva said...

bakit sya?

 

Post a Comment

<< Home